Thursday, June 21, 2012

Kaibigan

Nag-iisa ka.

Sa kalagitnaan ng iyong pag-iisa ay naitanong mo sa iyong sarili ang mga salitang ito, "Ano? Sino? Paano? Kailan? Saan?" Ikaw na ang bahala kung ano ang idudugtong mo.

Kung hindi ka nakaupo, nakahiga ka. Sinubukan mong manood ng telebisyon. Pinatay mo. Walang saysay. Kinuha mo ang makabagong plaka at pinatugtog iyon. Pinili mo ang rock. Humihiyaw ka na ngayon kasabay ng pagsigaw ng paborito mong rakista. Ibinato mo ang unan. Nagtatatalon ka. Sandaling naghari ang ingay. Ang sumunod na kanta ay naging malumanay. Malungkot. Nagpapagunita ng mga alaalang dapat hindi na nangyari. Pinahinto mo ang plaka. Hayan na naman ang katahimikan. Nahiga ka ulit - nakatingin sa kisame.

Katahimikan sa gitna ng pag-iisa- perpektong pamagat kung nais mo mang magsulat ng sarili mong kuwento. Ilakip mo na ang kalungkutan kung nais mong magpaka-senti.

Tinignan mo ang iyong manipis na telepono sa ibabaw ng mesa. Bigla mong naalala ang iyong mga kaibigan. Ngunit may pag-aalinlangan ka. Baka naman kasi lahat sila ay abala sa kani-kanilang buhay. Subalit nais mo silang masilayan kaya ayon pinindot mo ang buton. Tinawagan mo ang sampu sa kanila. Pero lima lang ang dumating. Hindi ka nalungkot sapagkat nasanay ka na.


May nagsindi ng yose. Nakisali ka. May kumakain. Binigyan mo ng serbisa. May naggigitara. Kumanta ka. May nanonood ng telebisyon. Siya mismo ang pinanood mo. Napailing ka. Nagpasya kang kunin ang alak na matagal ng nakatabi. Nagsimula na.

Pagkaraan ng ilang sandali ay nagtatawanan na ang lahat. Tawa ng tawa. Para bang katapusan na ng mundo bukas. May biglang nagsisisigaw kasama na ang mura. Sinaniban na siya ng masamang ispirito ng alak. Humalakhak kayong  lahat sapagkat iyon ang tanging paraan niya para mailabas ang tunay na saloobin.  May biglang yumakap sayo at nagpasalamat. Nabigla ka pero lihim kang napangiti.

Kung ganito palagi ang mga tagpo, ayaw mo ng dumating ang bukas. Sana wala ng bukas.

Kaibigan ang tawag mo sa kanila. Mapalad ka kung ang limang dumating ay pawang mga totoong tao.Umuwi na sila. Hindi mo na alam kailan ulit kayo magkikita. Napabuntong-hininga ka. Sinamahan ka ulit ng katahimikan.

Kung sakaling hindi mo nakilala ang katagang 'Kaibigan'? Ano ka kaya ngayon? Posibleng ikaw ay tinaguriang isang 'Dakilang Anak-ka-ng-Ina-Mo at Anak-ka-ng-Ama-Mo.’ O kaya’yBilanggo ng Lintik na Pag-ibig. O di naman kaya'y Uod ng mga Libro o isang Adik ng bisyo kung tawagin ay Trabaho. O kaya'y nilalang ng Kadiliman.

May malawak kang pananaw tungkol sa kamatayan. Naiisip mo iyon. Naitanong mo rin kung ano ang pinakainam na paraan ng masayang kamatayan. Naging katuwaan niyo ito ng mga kaibigan mo. Mga loko-lokong kaibigan. Pero kinalimutan mo ang tungkol dito sapagkat sinaad daw ng Diyos na hindi katanggap-tanggap ang pagkitil sa sariling buhay.

Napabuntong-hininga ka. Kung anu-ano na lang ang pumapasok sa mapaglaro mong utak. Ngunit sa ngayon isang aspeto lamang sa buhay mo ang iyong naiintindihan: ang kaibigan na tinuturing mong isang pamilya kasama na doon ang pinakadakila  na Diyos. Isang palaisipan sa iyo kung bakit malabo ang ibang importanteng aspeto ng iyong buhay. May isang kaibigan ang nagsabi na isa lamang iyan sa realidad ng buhay. Wag mong tawaging problema. Realidad. Hindi mo siya nakasalubong noong ikaw ay estudyante pa lamang.

Ang iyong pag-iisa ay isa sa mga realidad na nakapaghihina ng iyong sistema. Pero hindi ibig sabihin na mamamatay ka na dahil dyan. Andyan ang iyong mga kaibigan. Tawagan mo sila. Mapalad ka kapag nadagdagan ng isa. E di anim na. Paano kung tatlo o dalawa o isa na lang? O ang masama wala ng dumating?  Mapalad pa rin. Hindi ikaw kung hindi sila sapagkat andiyan ka pa rin, hindi nawawala.

Alam kung na ang itatanong mo, “Paano kung ikaw naman ang mawala?”

Ito ang dapat malaman mo: ang Kaibigan hindi nawawala.

Tisyu

Mag-isa akong nakaupo sa labas ng isang kilalang fastfood restawran nang biglang kong marinig ang tawag ng kalikasan. Hindi ko pinansin sapagkat hindi pa iyon ang tamang oras. Kaya ayon 1 missed call. Pagkaraan ng ilang minuto ay narinig ko na naman ang tawag. Dapat ko na iyong intindihin dahil naalarma na ang aking utak pati ang tumbong ko. Tumayo ako at patakbong pinuntahan ang pinakamalapit na palikuran. Sinilip ko ang aking bag, wala pala akong tisyu. Naku lagot! Lumabas ako at may nakitang automated machine na nagluluwal ng tisyu sa halagang limang piso. Naghagilap ako kaagad ng barya sa aking pitaka. Nahampas ko ang makina nang malaman kong wala akong buong limang piso. Tila akong pipi na nagmura nang ilang beses. Naramdaman ko ang pagtulo ng aking malamig na pawis at pagngatal ng aking mga tuhod. Kailangan ko nang masagot ang tawag ng kalikasan. Ngunit paano? Wala pang bukas na tindahan ni walang janitor para makahiram ng timba at tabo. Nakakahiya naman humingi ng tisyu mula sa mga kumakaing kustomer sa loob ng restawran.

Hindi ko na talaga mapigilan kaya ayon pumasok ako ng kubeta na hindi dala ang pangunahing armas. Nagsimula na ko maghasik ng lagim at inalala ko ang mga paraang ginamit ng aking mga kaibigan sa ganitong di kaaya-ayang sitwasyon.

1. Kodigo
 E sa hindi ko napigilan? Kapag ang kalikasan na ang nagpasya, wala ka nang magagawa. Kaya ayon, dinukot ko ang kagagamit ko lang na kodigo sa matematika at siyang pinampunas sa… alam mo na. Anong nakakadiri do’n?  Natural lang talaga ‘yon.

Wala akong kodigo dahil hindi ko naman gawain iyon. Naghagilap ako ng papel sa loob ng bag ngunit ang tanging nakita ko lamang ay ang panghuling kopya ng aming thesis na ipapasa mismo sa araw na iyon. Natukso akong punitin ang pangunahin at panghuling pahina ngunit naalala kong malalagot ako sa mga kagrupo ko. Ibinalik ko ang papel sa bag at nag-isip ng ibang paraan.

2. Pera ni Manuel
 Pumasok ako ng kubeta nang hindi handa. Walang tubig ni tisyu sa loob. Naghagilap ako ng pwedeng   gamitin. Di sadyang naihulog ko ang aking pitaka at pinulot iyon. Nakaisip ako ng  magandang ideya. Sa maniwala ka’t sa hindi, ginamit ko ang nag-iisa kong dalawpung pisong papel. Medyo matigas at magaspang ngunit nakatulong talaga. Nakakadiri nga ‘yon ngunit mas nakakadiri pag lumabas kang walang… kuha mo?

Napangiwi ako ngunit sinilip ko pa rin ang aking pitaka at bumungad sa akin ang mukha ng yumaong si Pangulong Manuel L. Quezon. Ano kaya ang magiging reaksyon ng buong taumbayan kapag nakita nilang may bahid nang kaberdehan o kadilawan o kaitiman ang mukha ng tinaguriang Ama ng Wika? Kawalan naman yata ng paggalang ang ganoon. At isa pa, ayokong ipahid sa aking tumbong ang perang pinagpasa-pasa ng ilang libong mamamayang Pilipino. Napabuntong-hininga ako. Dapat akong mag-isip ng ibang paraan.

3. Call-a-Friend
 Wala sa kondisyon ang aking tiyan. Naupo ako kaagad sa pampublikong kubeta. Wala akong tisyu at wala akong mahingan ng agarang tulong sa mga oras na iyon. Ang naisip ko lamang paraan ay tawagan ang lahat ng kaibigan sa celpon ko. Sa sampung tinawagan ay dalawa lamang ang sumagot. Mahigit isang oras din akong naghintay sa loob kubeta. Naaamoy na ng mga taong pumapasok ang isiniklab kong baho ngunit wala akong pakialam. Ang nasa isip ko lamang ay ang makalabas sa bangungot na iyon. Pagkaraan ng halos dalawang oras ay may naghagis din sa wakas ng tisyu. Mula iyon sa kaibigan kong hindi na magawang lumapit dahil sa umaalingasaw na amoy.

Kinuha ko ang aking celpon. Naku walang signal. Napamura ako. Nagsabog ng kamalasan sa araw na iyon, lahat sinalo ko na. Kung maaari ko lang tawagin ang mga kaibigan ko sa pamamagitan ng aking utak, ligtas na sana ako.

4. Payb Pingers
Napanood ko sa isang pelikula. Pwede mo pa lang gamitin ang mga daliri mo kapag wala na talagang ibang paraan. Marami ka pang pagpipilian – hintuturo, hinlalaki, hinliliit… Kung gusto mo, pwede mong pagsabayin ang dalawa, ang tatlo o lahat na! Iyan kung kaya mo.

Tinitigan ko ang aking limang daliri. Medyo maliliit ngunit pupuwede na. Hindi naman siguro mortal na kasalanan ang kalikutin ang sariling tumbong. Wala pa ring naiulat na namatay dahil doon. Napabuntong hininga ulit ako. Lahat nang mga ito ay kahangalan ngunit magliligtas sa akin mula sa bombang pinasabog ko. Hindi ko na inalala pa ang ilang kahangalan na ginawa ng mga loko kong kaibigan.

Pinagpapawisan na ako at nangangalay na ang aking tumbong. Wala bang magliligtas sa akin? Alas siyete na ng umaga, baka may mga tao nang papasok. Nagulat ako bigla nang may kumatok sa pinto. Hindi ako sumagot. Dapat walang makaalam na nandito ako. Nagpatuloy ang malakas na pagkatok. Ang janitor kaya ito o minumulto na ako? Sasagot na sana ako nang biglang magsalita ang isang babae. “Ayos ka lang? E kasi napansin ko kanina ka pa dito.” Hindi ko alam ang isasagot. Sumilip ako sa ilalim ng pinto at nakita ko ang pulang mga sapatos. Naalala ko ang may-ari no’n – ang magandang babaeng katabi ko kanina sa labas ng restawran. Nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Nakita kita kaninang problemado nang hindi ka makakuha ng tisyu sa automachine. Huwag mong mamasamain pero kailangan mo ba ng tisyu? May isang pakete ako dito.”
Pulang mga sapatos...
Natampal ko aking noo. Nakakahiya. Ang tanging naisagot ko lamang ay malaking OO. Iniabot ng babae ang tisyu sa ilalim at dali-daling kong kinuha. Mabilis pa ko sa alas kuwatrong nalinis ang dapat linisin. Lumabas kaagad ako upang humingi ng alkohol ay este upang pasalamatan ang babae ngunit bigla siyang nawala. Bumalik ako sa labas ng restawran kung saan una ko siyang nakita ngunit wala na siya doon. Tinitigan ko na lamang ang natirang tisyu at inamoy iyon. Amoy rosas. Kung ganoon amoy rosas din ang aking tumbong. Napatawa ako. Hindi ko aakalaing ililigtas ako ng magandang dalagang iyon.

Hanggang ngayon nasa akin pa rin ang supot ng tisyu. Sana magkita kami muli.

Panauhin


Nagising ako.

Tinignan ko ang umiilaw na orasan – mag-aalas kuwatro na pala ng hapon. Mahigit labing limang-oras din akong natulog sa papag na wala man lamang unan. Walang hapunan, agahan, at tanghalian. Binusog ng tulog ang kumakalam kong sikmura.

Bumangon ako.

Doon ko natandaan na madilim pala sa loob ng silid. Napabuntong-hininga ako. Araw-araw ko nang nakikita ang kulay itim – sa pagtulog at paggising. Tinangka kong buksan ang ilaw upang makita ang aktwal na kalagayan ng silid. Ngunit ang aking utak na ang nagsabi na ‘huwag na’ sapagkat dalawang oras na lang ay babalik ako ulit sa pagtulog.

Umupo ako.

Hinihintay ko ang oras sa walang kadahilanan. Nakasandal ako sa pader na gawa sa lawanit. Nakaunat ang aking mga payat na binti sa malamig na sahig. Wala akong maisip ngunit natitiyak akong nagbabanta ng lumapit ang aking mga kaibigang lamok, ipis, at daga. Ngumiti ako. Sige, lapit lang.
Nagulat ako.

Biglang tumunog ang aking celpon sa kalagitnaan ng katahimikan. Kahit papaano ay nagkaroon ng kaunting liwanag at ingay sa isang sulok ng silid. Naidilat ko ang kanina pang namumungay na mata. Pinulot ko ang maliit na telepono. Isang kaibigan pala ang tumatawag. Hindi pa naglalaho ang kanyang pangalan. Inilapit ko ito sa mukha kong hindi pa nahihilamusan mula pa kahapon. Nagliwanag ako kahit papaano.

Napalingon ako.

May kumatok sa pinto – mga dalawang beses. Napaisip ako kung sino. Marahil ang may-ari na maniningil ng buwanang upa o di kaya’y kapitbahay na manghihiram ng timba. Kumatok ito ulit – mga tatlong beses. Pilit kong iginalaw ang nanghihina kong katawan upang pagbuksan ang hindi inaasahang panauhin.

Napatunganga ako.

Anim na ngiti ang sumalubong sa akin. Tila ba hadhad ang mga iyon na nakakahawa. Nangati ang aking mga labi at nagpakawala ng isang ngiti, labas ang mga ngiping wala pang sipilyo mula pa kahapon.

Napangiti ako.

Hindi iyon huwad sapagkat may naramdaman ako sa may bandang kaliwa ng aking dibdib. Pinagmasdan ko ang kanilang mga dalang supot. Laman no’n ay ang dati naming kinakain at  iniinom. Pumasok sila. Biglang nagliwanag ang silid di dahil binuksan nila ang ilaw ngunit dahil… ewan. Hindi ko maipaliwanag. Hindi naman silang mukhang poste ng ilaw o lampara.

Nagmasid ako.

Isa-isa kong tinitigan ang kanilang mga mukha. Nakita ko doon ang kasiyahan. Kinapa ko aking kaliwang dibdib. May naramdaman na naman ako.

Naghiyawan sila.

Dumating ang dalawa pang panauhin. Lalong nagliwanag ang buong silid. Ang dati ring katahimikan ay napalitan ng tawanan, kulitan, at kantahan. Biglang sumagi sa aking isip: mali ang paghiling ko sa Diyos na hindi na magising kinabukasan. May dahilan pa sa aking pagbangon.

Napaisip ako.

Mamaya hindi na ako matutulog mag-isa sa isang madilim na silid. May liwanag na ang buhay di dahil sa Meralco ngunit dahil sa hindi ko inaasahang  mga panauhin.

Hunyo 29, 2011

Wednesday, June 20, 2012

Mata

“Iyong tipong hindi mo siya napapansin. Ngunit hindi mo inaasahang biglang babaliktad ang mundo at doon, sapul! Tinamaan ka na at mamahalin mo na siya…”

Tatlong taon nang nakalilipas, sa isang klase na halos isumpa ko sa kolehiyo. Hindi ko nagustuhan ang asignatura gayundin ang asignatura sa akin. Ayaw namin ang isa’t isa. Pakialam ko? Hindi ko matagalan ang mga teorya at kasong lumalabas mula sa mga pahina ng aklat at mula sa bunganga ng aming matalinong propesor. Minsan naitatanong ko, bakit ba ako nakaupo dito? Napasok ko kaya ang maling silid? Ngunit kahit anong gawin kong pukpok sa aking ulo ay ang prospectus na ang nagsabing kasama ito sa listahan kapatid. Masakit na katotohanan.

Sa halip na gugulin ko ang aking panahon sa kakaisip na isa itong parusa, napagpasyahan ko na lamang na hindi na makinig at isipin ang aking kaligayahan . Natatandaan ko pa noon kung gaano ako kabaliw sa una kong naging syota – ang aking unang pag-ibig. Sa halip na kopyahin ko ang nakasulat sa pisara, ay pangalan niya ang aking isinusulat. Halos mapuno ang kwardeno ko ng pangalan niya na may kasamang hugis puso na kukulayan ko ng pulang tinta. Tawagin mong badoy ngunit iyon ang totoo. Minsan nagsusulat ako ng tula para sa kanya at biglang ngingiti mag-isa na parang timang.  Ang sarap sa pakiramdam, iyong tipong gusto mong iulam sa umuusok na kanin at sasabayan mo ng isang bote ng sakto. Busog na naman ang aking puso.

Isang araw nakatitig ako sa blankong pahina ng aking kwaderno. Pinulot ko ang panulat at naisip kong isulat ang aking  pangalan na susundan ng malaking hugis puso. Idudugtong ko na sana ang pangalan niya nang biglang akong napatingala. Sa hindi inaasahan nagkatinginan kami ng kaklase ko. Natitigan ko siya sa mga mata. Ngunit sandali lamang iyon dahil humarap kaagad siya sa pisara upang makinig sa propesor. Napakaganda pala ng mga mata niya, nasabi ko. At doon ko na naalalang hindi pala ako nag-iisa sa silid. Tinignan ko ang propesor, nginitian, at biglang nasabi ng aking utak, “O andiyan ka pala, sulatan kaya kita ng tula.”
Ang larawang ng kanyang mata na ninakaw ko pa mismo sa Facebook niya.
Sabi nila baliw na raw ako. Ngunit may baliw bang alam na nakaupo siya sa likod ng kaklase niyang may magandang mata at dapat niyang tapusin ang tatlong oras na leksyon na walang ibang gagawin kung hindi ang magsulat? Nagtagal ang bisyong itong hanggang matapos ang semestre. Sa kabutihang palad, nakapasa naman ako – pasang-awa. Tungkol naman sa kaklase kong may magandang mata, nagkatinginan lamang kami. Naisip ko noon, hanggang doon lang iyon.

Pagkatapos ng halos dalawang taon, nagkahiwalay din kami ng una kong pag-ibig. Biglang nawala ang grabitasyon ng aking mundo at natagpuan ko ang aking sarili na palutang-lutang sa kalawakan. Napunta ako sa buwan. Walang oksihena doon, hindi ako makahinga. Ang sakit, parang sasabog ang aking baga, utak, at puso. Naitanong ko, kailan kaya ako maglalanding at tatapak ulit sa daigdig? Ngunit naisip ko mas mabuti na siguro ang ganito, ang magpalutang-lutang hanggang mapadpad sa kawalan.

Hindi nagtagal, naisipan kong maglanding sa mundo ngunit baon ang pusong nadisgrasya. Hindi ko na maalala kung ilang alkohol ang nilaklak ko upang mapagaling ang aking sugat. Nagpatuloy ako sa takbo ng aking buhay. Itinuon ang pansin sa mga mahahalagang gawain at pangyayari sa kolehiyo. Ayon sa agham, hindi lang Daigdig  ang umiikot sa araw. Pati Mars, Venus at iba pang planeta, ginagawa rin iyon. Sa madaling salita hindi lamang siya ang dadaan sa buhay ko.

Unang semestre sa ikaapat na taon ko sa kolehiyo ay lumipat sa aming departamento ang kaklase kong may mga magagandang mata. Anong bago? Iyon naman talaga ang ginagawa ng mga estudyanteng sawa na o hindi kuntento sa iisang kurso. At isa pa, hindi lang siya ang lumipat – marami sila. Naging mas masaya tuloy ang organisasyon dahil sa mga bagong miyembro. Masaya rin ako, siyempre. Ikanga, kapag maraming nakahain sa mesa, maraming pagpipilian.

Kagaya ng ibang normal na tao, kailangan kong umabante sa buhay. Naisipan kong maghanap ng ibang syota. Maraming isda sa karagatan, sabi nila. Ang kailangan mo lamang ay matibay na pamingwit at kaakit-akit na pain. Isang malaking bangka? Hindi na kailangan. Hindi naman ako mamimingwit ng marami. Pagkatapos ng ilang buwang pamimingwit, walang akong nakuha. Marahil hindi ganoon kaaepektibo ang pamamaraang yaon. Tinigilan ko ang pamimingwit. Idinaan ko na lamang ang lahat sa pasindi-sindi ng kandila sa simbahan. Hanggang sa nagkrus na naman ang landas namin ng dati kong kaklase na may magandang mata at inosenteng mukha. Natanong ko, ano ba ang papel ng babaeng ito?

Kilala ko ang mga kaibigan niya. Siya lang ang hindi ko nakakausap dahil siya iyong tipong tahimik. Ngunit hindi ko alam na gusto ko na pala siya noong unang magkrus ang mga mata namin. Ang tanging kaklase kong sandaling nagpatigil sa akin sa pagsusulat at nagpaalala na hindi lamang kami ng baliw kong kwaderno ang nilalang sa mundo. At kahit ilang beses ko nang itinanggi ang kanyang presensya ay siya pa rin ang nakikita ng mga mata ko. Mga mata ba talaga ang tunay na nakakakita? Sa bulag, siyempre hindi. Ibinigay kaya siya ng mga kandila? Teka, maihahayag ba ng isang pisong kandila ang  pag-ibig?

Nakipagsiksikan pa ko sa elevator. Iyon pala may hagdanang naghihintay. (Bob Ong) Pinansin ko ang hagdanan at inakyat ko. Minsan naitanong ko, bakit hindi siya ibinigay ng Diyos sa akin noong magtagpo ang aming landas? Bakit dapat ko pang danasin ang pait ng nabigong walang-hanggang-pag-ibig-kuno. Minsan naalala ko ang aking katangahan habang nakaupo sa isang mapayapang kubeta. Napapangisi ako sapagkat alam kong may dahilan kung bakit nangyari at nangyayari ang lahat. Habang isinusulat ko ito ay hindi ko mapigilang mapangisi ulit.

Kahit apat na ang mga mata niya ngayon ay iyon pa rin ang mga magagandang matang nagpaalala sa akin…

Sana magtagal kami.

Abril 6, 2012.