Nagising ako.
Tinignan ko ang umiilaw na orasan – mag-aalas kuwatro na pala ng hapon. Mahigit labing limang-oras din akong natulog sa papag na wala man lamang unan. Walang hapunan, agahan, at tanghalian. Binusog ng tulog ang kumakalam kong sikmura.
Bumangon ako.
Doon ko natandaan na madilim pala sa loob ng silid. Napabuntong-hininga ako. Araw-araw ko nang nakikita ang kulay itim – sa pagtulog at paggising. Tinangka kong buksan ang ilaw upang makita ang aktwal na kalagayan ng silid. Ngunit ang aking utak na ang nagsabi na ‘huwag na’ sapagkat dalawang oras na lang ay babalik ako ulit sa pagtulog.
Umupo ako.
Hinihintay ko ang oras sa walang kadahilanan. Nakasandal ako sa pader na gawa sa lawanit. Nakaunat ang aking mga payat na binti sa malamig na sahig. Wala akong maisip ngunit natitiyak akong nagbabanta ng lumapit ang aking mga kaibigang lamok, ipis, at daga. Ngumiti ako. Sige, lapit lang.
Nagulat ako.
Biglang tumunog ang aking celpon sa kalagitnaan ng katahimikan. Kahit papaano ay nagkaroon ng kaunting liwanag at ingay sa isang sulok ng silid. Naidilat ko ang kanina pang namumungay na mata. Pinulot ko ang maliit na telepono. Isang kaibigan pala ang tumatawag. Hindi pa naglalaho ang kanyang pangalan. Inilapit ko ito sa mukha kong hindi pa nahihilamusan mula pa kahapon. Nagliwanag ako kahit papaano.
Napalingon ako.
May kumatok sa pinto – mga dalawang beses. Napaisip ako kung sino. Marahil ang may-ari na maniningil ng buwanang upa o di kaya’y kapitbahay na manghihiram ng timba. Kumatok ito ulit – mga tatlong beses. Pilit kong iginalaw ang nanghihina kong katawan upang pagbuksan ang hindi inaasahang panauhin.
Napatunganga ako.
Anim na ngiti ang sumalubong sa akin. Tila ba hadhad ang mga iyon na nakakahawa. Nangati ang aking mga labi at nagpakawala ng isang ngiti, labas ang mga ngiping wala pang sipilyo mula pa kahapon.
Napangiti ako.
Hindi iyon huwad sapagkat may naramdaman ako sa may bandang kaliwa ng aking dibdib. Pinagmasdan ko ang kanilang mga dalang supot. Laman no’n ay ang dati naming kinakain at iniinom. Pumasok sila. Biglang nagliwanag ang silid di dahil binuksan nila ang ilaw ngunit dahil… ewan. Hindi ko maipaliwanag. Hindi naman silang mukhang poste ng ilaw o lampara.
Nagmasid ako.
Isa-isa kong tinitigan ang kanilang mga mukha. Nakita ko doon ang kasiyahan. Kinapa ko aking kaliwang dibdib. May naramdaman na naman ako.
Naghiyawan sila.
Dumating ang dalawa pang panauhin. Lalong nagliwanag ang buong silid. Ang dati ring katahimikan ay napalitan ng tawanan, kulitan, at kantahan. Biglang sumagi sa aking isip: mali ang paghiling ko sa Diyos na hindi na magising kinabukasan. May dahilan pa sa aking pagbangon.
Napaisip ako.
Mamaya hindi na ako matutulog mag-isa sa isang madilim na silid. May liwanag na ang buhay di dahil sa Meralco ngunit dahil sa hindi ko inaasahang mga panauhin.
Hunyo 29, 2011
No comments:
Post a Comment