Wednesday, June 20, 2012

Mata

“Iyong tipong hindi mo siya napapansin. Ngunit hindi mo inaasahang biglang babaliktad ang mundo at doon, sapul! Tinamaan ka na at mamahalin mo na siya…”

Tatlong taon nang nakalilipas, sa isang klase na halos isumpa ko sa kolehiyo. Hindi ko nagustuhan ang asignatura gayundin ang asignatura sa akin. Ayaw namin ang isa’t isa. Pakialam ko? Hindi ko matagalan ang mga teorya at kasong lumalabas mula sa mga pahina ng aklat at mula sa bunganga ng aming matalinong propesor. Minsan naitatanong ko, bakit ba ako nakaupo dito? Napasok ko kaya ang maling silid? Ngunit kahit anong gawin kong pukpok sa aking ulo ay ang prospectus na ang nagsabing kasama ito sa listahan kapatid. Masakit na katotohanan.

Sa halip na gugulin ko ang aking panahon sa kakaisip na isa itong parusa, napagpasyahan ko na lamang na hindi na makinig at isipin ang aking kaligayahan . Natatandaan ko pa noon kung gaano ako kabaliw sa una kong naging syota – ang aking unang pag-ibig. Sa halip na kopyahin ko ang nakasulat sa pisara, ay pangalan niya ang aking isinusulat. Halos mapuno ang kwardeno ko ng pangalan niya na may kasamang hugis puso na kukulayan ko ng pulang tinta. Tawagin mong badoy ngunit iyon ang totoo. Minsan nagsusulat ako ng tula para sa kanya at biglang ngingiti mag-isa na parang timang.  Ang sarap sa pakiramdam, iyong tipong gusto mong iulam sa umuusok na kanin at sasabayan mo ng isang bote ng sakto. Busog na naman ang aking puso.

Isang araw nakatitig ako sa blankong pahina ng aking kwaderno. Pinulot ko ang panulat at naisip kong isulat ang aking  pangalan na susundan ng malaking hugis puso. Idudugtong ko na sana ang pangalan niya nang biglang akong napatingala. Sa hindi inaasahan nagkatinginan kami ng kaklase ko. Natitigan ko siya sa mga mata. Ngunit sandali lamang iyon dahil humarap kaagad siya sa pisara upang makinig sa propesor. Napakaganda pala ng mga mata niya, nasabi ko. At doon ko na naalalang hindi pala ako nag-iisa sa silid. Tinignan ko ang propesor, nginitian, at biglang nasabi ng aking utak, “O andiyan ka pala, sulatan kaya kita ng tula.”
Ang larawang ng kanyang mata na ninakaw ko pa mismo sa Facebook niya.
Sabi nila baliw na raw ako. Ngunit may baliw bang alam na nakaupo siya sa likod ng kaklase niyang may magandang mata at dapat niyang tapusin ang tatlong oras na leksyon na walang ibang gagawin kung hindi ang magsulat? Nagtagal ang bisyong itong hanggang matapos ang semestre. Sa kabutihang palad, nakapasa naman ako – pasang-awa. Tungkol naman sa kaklase kong may magandang mata, nagkatinginan lamang kami. Naisip ko noon, hanggang doon lang iyon.

Pagkatapos ng halos dalawang taon, nagkahiwalay din kami ng una kong pag-ibig. Biglang nawala ang grabitasyon ng aking mundo at natagpuan ko ang aking sarili na palutang-lutang sa kalawakan. Napunta ako sa buwan. Walang oksihena doon, hindi ako makahinga. Ang sakit, parang sasabog ang aking baga, utak, at puso. Naitanong ko, kailan kaya ako maglalanding at tatapak ulit sa daigdig? Ngunit naisip ko mas mabuti na siguro ang ganito, ang magpalutang-lutang hanggang mapadpad sa kawalan.

Hindi nagtagal, naisipan kong maglanding sa mundo ngunit baon ang pusong nadisgrasya. Hindi ko na maalala kung ilang alkohol ang nilaklak ko upang mapagaling ang aking sugat. Nagpatuloy ako sa takbo ng aking buhay. Itinuon ang pansin sa mga mahahalagang gawain at pangyayari sa kolehiyo. Ayon sa agham, hindi lang Daigdig  ang umiikot sa araw. Pati Mars, Venus at iba pang planeta, ginagawa rin iyon. Sa madaling salita hindi lamang siya ang dadaan sa buhay ko.

Unang semestre sa ikaapat na taon ko sa kolehiyo ay lumipat sa aming departamento ang kaklase kong may mga magagandang mata. Anong bago? Iyon naman talaga ang ginagawa ng mga estudyanteng sawa na o hindi kuntento sa iisang kurso. At isa pa, hindi lang siya ang lumipat – marami sila. Naging mas masaya tuloy ang organisasyon dahil sa mga bagong miyembro. Masaya rin ako, siyempre. Ikanga, kapag maraming nakahain sa mesa, maraming pagpipilian.

Kagaya ng ibang normal na tao, kailangan kong umabante sa buhay. Naisipan kong maghanap ng ibang syota. Maraming isda sa karagatan, sabi nila. Ang kailangan mo lamang ay matibay na pamingwit at kaakit-akit na pain. Isang malaking bangka? Hindi na kailangan. Hindi naman ako mamimingwit ng marami. Pagkatapos ng ilang buwang pamimingwit, walang akong nakuha. Marahil hindi ganoon kaaepektibo ang pamamaraang yaon. Tinigilan ko ang pamimingwit. Idinaan ko na lamang ang lahat sa pasindi-sindi ng kandila sa simbahan. Hanggang sa nagkrus na naman ang landas namin ng dati kong kaklase na may magandang mata at inosenteng mukha. Natanong ko, ano ba ang papel ng babaeng ito?

Kilala ko ang mga kaibigan niya. Siya lang ang hindi ko nakakausap dahil siya iyong tipong tahimik. Ngunit hindi ko alam na gusto ko na pala siya noong unang magkrus ang mga mata namin. Ang tanging kaklase kong sandaling nagpatigil sa akin sa pagsusulat at nagpaalala na hindi lamang kami ng baliw kong kwaderno ang nilalang sa mundo. At kahit ilang beses ko nang itinanggi ang kanyang presensya ay siya pa rin ang nakikita ng mga mata ko. Mga mata ba talaga ang tunay na nakakakita? Sa bulag, siyempre hindi. Ibinigay kaya siya ng mga kandila? Teka, maihahayag ba ng isang pisong kandila ang  pag-ibig?

Nakipagsiksikan pa ko sa elevator. Iyon pala may hagdanang naghihintay. (Bob Ong) Pinansin ko ang hagdanan at inakyat ko. Minsan naitanong ko, bakit hindi siya ibinigay ng Diyos sa akin noong magtagpo ang aming landas? Bakit dapat ko pang danasin ang pait ng nabigong walang-hanggang-pag-ibig-kuno. Minsan naalala ko ang aking katangahan habang nakaupo sa isang mapayapang kubeta. Napapangisi ako sapagkat alam kong may dahilan kung bakit nangyari at nangyayari ang lahat. Habang isinusulat ko ito ay hindi ko mapigilang mapangisi ulit.

Kahit apat na ang mga mata niya ngayon ay iyon pa rin ang mga magagandang matang nagpaalala sa akin…

Sana magtagal kami.

Abril 6, 2012.

No comments:

Post a Comment